Pagsasakasaysayan ng industriya ng niyog sa Pilipinas mula 1940 hanggang 2018 ang pinakapakay ng pag-aaral na ito. Taong 1940 pininsala nang husto ng mga Amerikano ang industriya ng niyog sa Pilipinas sa pamamagitan ng politikal na pagkontrol at panghihimasok sa industriya. Gumawa sila ng paraan para mapigilan ang tuloy-tuloy na pag-unlad nito sa pamamagitan ng pagpapataw ng quota, export tax at excise tax sa mga iniluluwas na produktong mula sa niyog sa Pilipinas. Ang mga ipinataw na quota at mga tax ng mga Amerikano ang nagdulot ng pagbagsak ng presyo ng kopra at pagbagsak ng industriya ng niyog na ang pinakamalala ay noong 1940 (1.6 cents per pound). Samantala, taong 2018 ang naitalang pinakabagsak na presyo ng niyog mula 1,399 dolyar tungong 976 dolyar kada metrikong tonelada. Sataong ito naglabas ang Philippine Coconut Authority (PCA) ng pahayag hinggil sa hindi mapigil na pagbagsak ng presyo ng niyog ngunit sa taong ito idinaos ang 1st World Coconut Congress 2018 na ginanap sa Pilipinas.
Ang pangkalahatang layunin ng pag-aaral na ito ay masuri ang mga paggunita sa industriya ng niyog sa mga naratibong mula sa mga oral na panitikan (bugtong, salawikain at awiting bayan) at mga naratibong pangkasaysayan at pampanitikan mula taong 1940 hanggang 2018 at mula rito’y makapaglatag ng mga ideya at mungkahi na makatutulong sa pagpapatatag ng industriya ng niyog sa hinaharap. Ang inangklahan ng pag-aaral na ito bilang batayang teoretikal at konseptuwal ay ang magkakakawing na mga ideya nina Rolando Tolentino, Ramon Guillermo, Vicente Villan, Jacques Le Goff, Virgilio Almario, Paul Ricoeur at Michel Foucault. Mula sa lente nina Tolentino at Guillermo na ang akdang pangkasaysayan ay maaaring magbigayliwanag at ang pagsulat ng kasaysayan ay paglikha ng mapa ng kaisipan at pagkilos ng pamayanan tungo sa gampanin ng gunita bilang hugutan ng kasaysayan nina Villan, Le Goff at Almario hanggang sa konsepto nina Ricouer at Foucault sa pinakamahalagang gampanin ng pagsulat ng kasaysayan, inilangkap ang mga magkakaugnay na mga konseptong ito sa kaso ng industriya ng niyog sa Pilipinas. Sa pagtalakay rin sa gamit ng gunitang pangkasaysayan at pangkaunlarang gamit ng kasaysayan ni Villan, mahihinuhang ang mga maglulukad/magniniyog/magkokopra ang pinaka-esensiyal na bahagi ng ginawang paglingon o paggunita sa mga naratibo ng mga akdang tumatalakay sa niyog tungo sa bisyon na matatag na industriya ng niyog sa ating bansa hanggang sa hinaharap na panahon.
Gumamit ng pamamaraang pangkasaysayan (historiograpiya) at pamamaraang pampanitikan (tekstuwal, kontekstuwal, subtekstuwal at intertekstuwal) na pagsusuri sa mga akda upang masapul ang layunin na madalumat ang mga paggunita sa industriya ng niyog sa mga naratibong pangkasaysayan at pampanitikan at matukoy ang gamit nito sa paghubog ng kakanyahan, karangalan at kaakuhan o pagkamamamayan ng mga magniniyog sa Pilipinas. Gayundin, nakatulong nang husto ang kasaysayang pasalita o oral na kasaysayan at kuwentong-buhay bilang mga metodong pangkasaysayan (Clemen Aquino, Nancy Kimuell-Gabriel, Marcelino Foronda Jr., Fernando Santiago Jr., Ma. Luisa Camagay at Valerie Janesick) na nagamit ng mananaliksik sa isinagawa niyang fieldwork sa Lalawigan ng Quezon, partikular sa Bondoc Peninsula na maituturing na isa sa mga pangunahing nagaambag ng malaking produksiyon ng niyog sa Pilipinas. Ang mga nakalap na datos sa isinagawang fieldwork ay nakatulong upang maitampok ang tinig ng mga maglulukad/magniniyog/magkokopra hinggil sa kultura ng pagniniyog. Ang kabuuang dulog sa pagtalakay at pagsusuri sa pag-aaral na ito ay interdisiplinaryo at multidisiplinaryo. Ang pagsasalikop ng kasaysayan, panitikan, agrikultura at pilosopiya (partikular ang pilosopiya ng gunita at paggunita) ang mababanaag bilang mga lente ng pagdulog. Inilapit at inilapat ang malikhain at mapanuring paraan ng pagtuklas sa pamamagitan ng paggunita sa mga naratibong pangkasaysayan at pampanitikan na nakatuon hinggil sa mga paksang may kaugnayan sa industriya ng niyog sa Pilipinas.
Ambag sa pagsasakasaysayan ng industriya ng niyog sa Pilipinas ang pangunahing halaga ng pag-aaral na ito. Mula sa isinagawang pagsusuri sa mga naging paggunita sa niyog sa mga naratibong mula sa oral na panitikan at sa mga naratibong pangkasaysayan at pampanitikan mula taong 1940 hanggang 2018, natuklasan sa pag-aaral na ito ang mga ideya at kaalaman na maaaring maging tungtungan sa pagpapatatag ng industriya ng niyog sa hinaharap. Gayundin, nasiyasat at naitampok sa pag-aaral na ito ang halaga ng mga maglulukad/ magniniyog/magkokopra sa Pilipinas, partikular na nadukal ang kanilang malaking gampanin sa pagpapayabong ng niyog bilang puno ng buhay at ang gampanin nila sa
pagpapaunlad ng industriya ng niyog na maituturing na kadluan ng yaman ng ating
bansa.
