Status : Verified
Personal Name Angara, Chezka Mayne C.
Resource Title Sa Pananatili ng mga iwinala : ang labas, loob, at lalim sa pagtatanghal ng presensiya ng mga desaparecido
Date Issued 16 December 2024
Abstract Sa unang dalawang taon pa lamang ng rehimeng Marcos Jr.-Duterte ay nakababahala ang paglobo ng bilang ng mga desaparecido o biktima ng sapilitang pagkawala. Sila ay nasa kakaibang posisyon dahil hindi katulad ng patay ay wala silang bangkay na maaaring paglamayan, pagluksaan, o ilibing ng kanilang mga naiwan. Sa layuning suriin ang tensyon sa pagitan ng presensiya at kawalan, ginabayan ang pag-aaral ng mga teorya nina Diana Taylor sa presensiya at traumatic memes, gayundin ang rekonseptwalisasyon ng mga konsepto ng Pilipinolohiya ni Dr. Prospero Covar na labas, loob, at lalim batay sa kritik ni Dr. Ramon Guillermo. Sa metodo ay humalaw ako mula sa dalumat ng anduyog ni Dr. Jazmin Llana na kaniyang pag-angkin sa ethnographic co-performance. Isinalin ko naman ito sa “pakikitanghal”. Ako ay nakitanghal sa anim na mga pagtatanghal at nakipag-kwentuhan sa kaanak ng mga desaparecido gamit ang limang talking points halaw mula sa kay Adsanatham (2010).
Natuklasan ang iba’t ibang mga konteksto kung saan naitatanghal ang presensiya ng mga desaparecido. Nakita ang labas ng mga pagtatanghal ng presensiya na ikinategorya sa a) materyal na labas at b) katawan bilang labas. Natukoy naman sa pagsusuri ng loob ang mga emosyonal na aspekto ng pagtatanghal na a) sakit at bigat; b) takot, ligalig, at kaba; c) tapang; at d) alaala. Ipinanukala rin ang terminong “labas-loob” bilang diin sa nakitang pagkalusaw sa distinksyon ng dalawang konsepto. Sa rekonseptwalisasyon ng lalim bilang generative na aspekto, lumabas na ang pagsasalimbayan ng mga labas-loob ay nagluluwal ng mga bagong katawan na nagtatanghal ng a) pangangailangan; b) pakikiisa; at c) pag-asa. Samantala, sa lente ng traumatic memes ni Taylor ay natukoy ang mga memeplex ng a) pangalan; b) mukha; at c) ilaw. Sa iterasyon at baryasyon ng mga memeplex ay naitutulak ang transmisyon ng mga bakas ng mga desaparecido. Ang kanilang mga bakas ay hindi lamang itinatanghal kundi nananatili sa mga nagtatanghal na katawan.
Degree Course Bachelor of Arts in Speech Communication : Rhetoric and Performance Studies
Language Filipino
Keyword Disappeared persons; desaparecido, pagtatanghal, presensiya, kawalan, pananatili, traumatic memes, memeplex, labas, loob, lalim
Material Type Thesis/Dissertation
Preliminary Pages
2.31 Mb
Category : F - Regular work, i.e., it has no patentable invention or creation, the author does not wish for personal publication, there is no confidential information.
 
Access Permission : Open Access