Isa ang Lungsod ng Naga sa Camarines Sur, Bicol sa mga masiglang syudad ng Pilipinas. Mayaman ang kultura; kilala sa mga magagandang polisiya at programa ng lokal na pamahalaan. Sa kabila nito, may mga sektor pa rin sa lungsod na araw-araw na pinapasan ang kahirapan at sistemang patriyarkal. Isa rito ang mga babaeng padyak drayber. Matapang silang tumutugon sa pangangailangang pangkabuhayan sa kabila ng iba’t ibang mukha ng diskriminasyon. Sinusuri ng pananaliksik na ito ang kanilang karanasan sa pamamadyak at pakikilahok sa mga samahan upang mabigyang-boses ang kanilang sektor sa pormal na adbokasiya.
Tumuntong ang mananaliksik sa kumbinasyon ng ilang mahahalagang konsepto na nakaugat sa interseksyunalidad o intersectionality (Crenshaw, 1991), mobility justice (Sheller, 2018), at transport justice (Martens, 2017) para usisain ang sitwasyon, danas, pangarap, at pagkilos ng 15 babaeng padyak drayber sa Naga. Iniugnay ang mga ideyang ito sa balangkas nina Fraser (2005) at Rivera (2018) na nagbibigay diin sa halaga ng pamamahagi (redistribution), pagkilala (recognition), at pagrepresenta (representation) bilang sandigan ng malalim na pag-unawa sa sitwasyon, pangarap, at pagkilos ng mga babaeng padyak drayber sa Naga.
Ang mga kababaihang padyak drayber sa Naga ay maituturing na mga "mid-life breadwinners" na pumapasada sa gitna ng patung-patong na pasanin (multiple burden) at diskriminasyon upang matiyak ang pagkain (food security) at edukasyon ng kanilang pamilya. Sa kabila ng pagiging "invisible" sa mga tradisyunal na polisiya at programa, ang kanilang paghawak sa manibela ay paggiit ng awtonomiya sa isang industriyang dominado ng kalalakihan. Gayunpaman, ang mga sistematikong hadlang tulad ng korapsyon sa prangkisa at patronage politics ay nagpapanatili sa kanila sa isang pamamaraan ng pakikibaka at
istruktural na kawalan ng katarungan. Ang pagtugon sa mga balakid na ito, kasabay ang pagkilala sa kanilang ambag at redistribusyon ng kapangyarihan, ay kritikal upang ganap na maisulong ang kanilang karapatan at mapalakas ang boses sa ekonomiya ng lungsod.
Tinatalakay din sa pag-aaral na ito ang mga aspirasyon at konkretong mungkahi ng mga kababaihang padyak drayber upang gawing mas inklusibo, ligtas, at progresibo ang sektor ng transportasyon sa Lungsod ng Naga. Binibigyang-diin ang pangangailangan sa istruktural na hustisya sa pamamagitan ng reporma sa prangkisa (socialized franchising), pagtatatag ng mga daycare center sa mga terminal, at pagkakaroon ng kinatawan ng kababaihan sa pamunuan ng PODA. Gamit ang lente ng katarungang panlipunan, iminumungkahi ang paglipat mula sa indibidwal na pagtitiis patungo sa sistemikong suporta na kumikilala sa kanila bilang mga katuwang sa lokal na ekonomiya at hindi lamang pasibong benepisyaryo ng ayuda. Sa huli, ang mithiin ay muling idisenyo ang kalsada at lungsod ng Naga bilang isang demokratikong espasyo kung saan ang bawat padyak ay simbolo ng dignidad, awtonomiya, at tunay na pagkakapantay-pantay.
